Ipapakita ni Godfrey Castro na karapat-dapat lamang siyang kapalit ni Harry Tanamor sa kanyang pag-akyat sa lona ng boxing competition ng 15th Asian Games sa Aspire Hall dito.
Makakaharap ng 23 anyos na lightflyweight na si Castro ang Malaysian pug na si Zamzai Azizi sa kanilang bakbakan sa 48 kgs. division sa ganap na alas-2:00 ng hapon (7:00 p.m. sa Manila).
Ang panalo ni Castro ay magdadala sa kanya sa semis na maaring magsiguro sa kanyang bronze medal.
Susundan naman ni Joan Tipon si Castro sa kanyang pakikipaglaban naman kay Liu Shih Jung ng Chinese-Taipei sa bantamweight category.
Isa pang bago sa Asiad ang mahaharap sa pagsubok. Ito ay si Genebert Basadre na makakalaban naman ang Pakistani na si Asghar Shah sa quarterfinal round ng lightweight class.
Huling nakakuha ng gintong medalya sa Asiad ang Pilipinas kina Mansueto Velasco, Elias Recaido Jr. at Reynaldo Galido sa Hiroshima, Japan noong 1994 Asiad.
Nagkaroon ng linaw ang kampanya ng bansa nang magwagi noong Sabado ng gabi sina Violito Payla at Anthony Marcial sa pamamagitan ng magagaan na tagumpay.
Nanaig si Payla sa Iranian boxer na si Omran Akbari, 33-13, na sinundan ng panalo ni Marcial ng kumbinsidong 31-7 tagumpay kay Sathit Keo Intha ng Laos.
"This team is well prepared since the Philippine SEA Games. And we are considering we have scouted most of our opponents, especially the medal hopefuls from Thailand, Kazakhstan, and Uzbekistan," wika ni coach Ronald Chavez. "We are looking forward to more gold medals than in the previous Asian Games."
Habang sinusulat ang balitang ito, nakikipagbugbugan si Payla kay Tran Quoc Viet ng Vietnam sa 51 kgs. habang makikipagpalitan ng kamao si Marcial kay Suraka Mahdi ng Iraq sa featherweight class preliminary. (Dina Marie Villena)