"Nagkausap na kami ni Manny sa party niya noong Lunes ng gabi. Nagkamayan kami at okay na kaming dalawa," wika ni Bobby.
Matatandaang nagtampo ang 25-anyos na si Bobby sa 27-anyos na si Pacquiao matapos itong hubaran ng kanyang World Boxing Council (WBC) Continental Americas super featherweight title bago ang kanilang upakan ni Mexican Hector Velasquez noong Nobyembre 17 sa Las Vegas, Nevada bunga ng pagiging overweight nito.
Tumimbang si Bobby, ang kasalukuyang Philippine super featherweight champion, ng 134 pounds na sobra sa weight limit na 130 para sa super featherweight, habang 129 naman ang nailista para kay Velasquez.
"Nung pumunta kasi siya sa US medyo napabayaan niya yung timbang niya," wika ni Manny sa kanyang nakababatang utol na sinanay rin ni American trainer Freddie Roach bago sagupain si Velasquez.
Bukod sa pagkakatanggal ng kanyang korona, diniskuwalipika rin si Bobby sa 11th round ng kanilang laban ni Velasquez bunga ng apat na low blows.
Si Velasquez ay nauna nang tinalo ni Manny sa pagdedepensa ni "Pacman" ng kanyang WBC International super featherweight title noong Setyembre.
Ayon kay Bobby, hindi siya aalis sa kampo ng MP Promotions ni Manny matapos ang nangyaring tampuhan. (Russell Cadayona)