Haharapin ng 23-anyos na si Jaca si dating world boxing champion Juan Manuel Marquez ng Mexico para sa kanilang World Boxing Organization (WBO) interim featherweight fight ngayon sa 7,000-seater Dodge Arena sa Hidalgo, Texas, USA.
Idedepensa ni Marquez, nagbabandera ng 45-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 34 knockouts, ang kanyang WBO interim feather-weight crown laban kay Jaca, nagkarga ng 27-2-1 slate tampok ang 12 KOs.
Noong Oktubre 21 pa sana natapos ang naturang laban nina Jaca at Marquez kundi lamang nagkaroon ng problema ang Cebuano fighter sa kanyang Visa sa US Embassy na sinundan ng kanyang pag-alis sa kampo ni manager/promoter Rex "Wakee" Salud para lumipat kay Oscar Dela Hoya sa Golden Boy Promotions.
Bago lumipat sa Golden Boy Promotions, ipinakiusap ni Salud sa Top Rank Promotions ni Bob Arum na maisama si Jaca sa undercard ng nakaraang "Grand Finale" nina Pacquiao at Erik Morales noong Nobyembre 18 sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
"Siguro chance ko na ito para makapagbigay rin ako ng karangalan sa Pilipinas katulad ni Manny," ani Jaca, tatanggap ng $50,000 mula sa Golden Boy Promotions kumpara sa $7,500 buhat sa Top Rank Promotions.
Inaasahan namang patutunayan ni Marquez na kaya niyang talunin ang mga Pinoy matapos ang kanyang draw kay Pacquiao sa kanilang featherweight championship noong Mayo ng 2004.
"Im hoping one day to fight Manny Pacquiao or Marco Antonio Barrera," ani Marquez, ang dating WBA at IBF featherweight king. "I love to face the best fighters. Thats what keeps me motivated. Im as good as any of them."
Ngunit bago niya pangaraping makasagupa sina Pacquiao at Barrera, kailangan muna niyang makalusot kay Jaca, ang tinaguriang "The Executioner". (Russell Cadayona)