Malamang na i-activate ni coach Joseph Uichico ang manlalarong tinaguriang "The Slasher" bago matapos ang buwan na ito o sa unang linggo ng Disyembre.
Kaya naman maraming mga fans ang excited sa pagbabalik ng isa sa paborito nilang Gin Kings. Kung dati, si Santos ang pinakamatandang manlalaro sa kampo ng Barangay Ginebra, ngayon ay hindi na.
Kasi, si Johnny Abarrientos na ang may hawak ng distinction na iyon.
Curiously, sina Santos at Abarrientos ay naging magkakampi noong sila ay naglalaro pa sa Alaska Milk.
Magandang reunion ito sa kanilang dalawa.
Sinasabi nga ng karamihan na kapag na-activate si Santos, makukumpletot mababalanse ang line-up ng Barangay Ginebra.
Frontline-heavy kasi sila kahit pa naipamigay na ng Gin Kings sa San Miguel Beer si Rommel Adducul.
Pero teka, sina Santos at Ronald Tubid na nakuha naman ng Gin Kings buhat sa Air 21 ay halos magkapareho din ng laro. So, medyo magkakaroon ng pagdodoble sa posisyong iyon kung saan si Mark Caguioa ang siyang starter.
Ang tanong nga ng karamihan ay ito: Kapag iniangat ni Uichico sa active list si Santos, sino ang ilalaglag sa reserve status?
Mahirap na masarap ang problemang ito. Pero maraming speculations kung sino ang papalitan ni Santos.
Tatlong pangalan ang palaging nababanggit at itoy sina Sunday Salvacion, Mike Holper at Andy Seigle.
Si Salvacion ay isang pure shooter na medyo nawawalan na ng playing time dahil sa umaangat ang laro ni Mark Macapagal.
Si Holper ay isang sophomore na hindi na rin madalas magamit dahil sa masikip ang frontline ng Gin Kings.
Si Seigle naman ay nababagabag dahil sa sari-saring injuries. Pero beterano siya at malaki ang puwedeng itulong sa kampanya ng pinakasikat na ballclub sa bansa.
Sa tutoo lang, baka si Seigle ang mailagay sa reserved list hindi dahil sa hindi siya kailangan ng Gin Kings. Itoy para mabigyan siya ng sapat na panahon para magpagaling sa sunud-sunod na injuries na dumapo sa kanya. Magkakaroon nga lang ulit ng problema ang Gin Kings kapag okay na si Seigle at 100 percent na siyang puwedeng maglaro! Pero kagaya nga ng nasabi natin, masayang problema iyon!