Ganyan naman ang kalakaran ng buhay. Kahit na hindi sa linya ng basketball o sports, ipinagkukumpara din ang mag-ama o mag-ina kapag nagkapareho sila ng linya ng trabaho. Pero siyempre, kahit na ano pa ang sabihin ng karamihan, tiyak na nanaisin ng bawat magulang na maging mas mahusay kaysa sa kanila ang kanilang mga supling. Nais nilang mag-improve ang susunod na henerasyon.
Kasi, kapag nanatiling mas magaling ang mga magulang kaysa sa mga anak, abay paatras ang mangyayari sa mundo! Walang improvement na magaganap!
Kaya naman siguro nangingiti itong si Santiago Cabatu sa nakikita niyang performance ng kanyang anak na si Jun-jun Cabatu, isa sa mga prized rookies ng baguhang Welcoat Dragons sa kasalukuyang Talk N Text-PBA Philippine Cup.
Sa tutoo lang, mahirap din namang sundan ang yapak ni Sonny Cabatu kahit pa sabihinng iba na hindi naman talaga siya namayagpag sa pro league.
Pero itong si Sonny ay nakapaglaro ng labindalawang seasons sa PBA para sa mga ballclubs na Shell, Presto, Purefoods, Swift at Ginebra. Pagkatapos ng PBA career niya ay naglaro pa nga siya sa Pasig Pirates sa Metropolitan Basketball Association. Naging in-charge din siya sa basketball operations ng Pasig Pirates bago nagdisband ang MBA. At nang lumaon ay naglaro din siya sa San Miguel All-Stars na nag-tour sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Bago pumalaot sa PBA si Sonny ay tatlong beses itong naging Most Valuable Player sa Philippine Amateur Basketball League, na siyang forerunner ng PBL. Kaya naman isa siya sa itinuturing na Greatest Players ng PBL!
Hindi ito na-achieve ni Jun-jun sa kanyang amateur career bago siya pumanhik sa PBA!
Pero sa ngayon, marami ang nagsasabing mas magaling daw ang anak kaysa sa ama! Mas marami kasing galaw si Jun-jun at mas malayo ang kanyang range sa pagtira.
Kumbagay finesse player ang tingin ng lahat kay Jun-jun samantalang si Sonny ay tinaguriang isa sa mga enforcers sa PBA. Yun ang kanilang kaibahan.
Si Sonny kasi ay sanay na gumawa ng "dirty job." Siya ang itatapat sa mga imports o sa matitinding sentro ng kalabang koponan. Siya ang sisindak sa mga katapat niya. Hindi na tuloy niya napagtuunan ng pansin ang kanyang scoring.
Pero sa katapusan ng kanyang PBA years, abay disente din naman ang mga numero ni Sonny. Mayroon siyang career average na 6.2 puntos at 5.4 rebounds sa kabuuang 454 games.
At iyan ang hahabulin ni Jun-jun ngayon para ipakitang nag-improve ang sumunod na generation!