Sisikapin naman ng Toyota Otis na ipagpatuloy ang kanilang pananalasa sa pakikipagharap sa Mail & More sa isa pang laban.
Mauuna ang sagupaan ng Moneymen at ng Sista sa alas-2:00 ng hapon at susundan ito ng engkwentro ng Letran at Mail & More sa alas-4:00. Pare-parehong nanalo ang Toyota, Sista at Cebuana sa kani-kanilang opening games at tangka nila ang tagumpay na magbibigay sa kanila ng karapatang saluhan ang walang larong Hapee-PCU sa pangkalahatang pamumuno na may 2-0 win-loss record.
Sumandal ang CL-Pera Padala sa kumbinasyon nina UAAP MVP Kenneth Bono at Doug Kramer para idimolisa ang Kettle Korn-UST, 99-70, noong Martes habang ginulantang naman ng Super Sealers, na nais sumunod sa yapak ng Welcoat Paints na pinalitan nila sa liga, ang paboritong Magnolia Ice Cream, 77-71 noong Sabado sa likod ng pagkawala ni Samigue Eman na di makakalaro ng mahigit isang buwan dahil sa karamdaman.
Dumaan naman sa butas ng karayom ang Toyota-Otis bago maitakas ang 68-66 panalo laban sa TeleTech Titans noong Martes.
Inaasahang pangungunahan nina Marvin Cruz at JP Alcaraz ang Sparks na kinatatakutan sa kanilang running game. (Mae Balbuena)