Tinanghal na kampeon ng 2006 World Pool Championships si Alcano matapos nitong talunin ang bigating cue artist mula sa Germany na si Ralf Souquet, 17-11 sa Philippine International Convention Center kagabi.
Maganda ang simula ni Alcano upang kunin nito ang 14-7 kalamangan ngunit napako ang kanyang iskor at nagbigay ng pagkakataon kay Souquet.
Nabuhayan si Souquet, ang 1996 champion, nang magmintis sa 9-ball si Alcano sa 24th rack para sa 9-15 iskor ngunit nakalapit ang Pinoy sa tagumpay nang kunin nito ang sumunod na rack.
Nabuhay muli ang pag-asa ni Souquet nang pumasok ang 9-ball sa kanyang sargo para sa 10-16 ngunit sadyang mailap ang suwerte sa kanya.
Na-foul si Souquet sa kanyang tira sa 1-ball sa 27th rack at sinamantala ni Alcano ang pagkakataon para tapusin ang laban sa pamamagitan ng 1-9 combination.
Kabilang sa naging biktima ni Alcano ay ang top Filipino bet na si Efren Bata Reyes sa last 32 at ang defending champion na si Wu Chia-Ching ng China sa quarterfinals.
Ang panalong ito ni Alcano ay may katumbas na US$100,000 na humigit-kumulang P5-milyon.
May konsolasyong $40,000 naman si Souquet na bumilib kay Alcano matapos siyang talunin nito.
Nakarating sa finals si Alcano sa likod ng dalawang talo nito sa elimination round at sinuwerteng maka-sama sa 64-man knock-out round.
"Dalawang talo ako sa eliminations pero naka-pasok pa rin ako. May mga nagsabi sa akin, magan-dang pamahiin daw ito," pahayag ni Alcano.