Kahit na sinibak niya ang top Filipino bet na si Efren Bata Reyes, pinanindigan niya ang kanyang ginawa nang makarating ito sa finals ng 2006 World Pool Championships na ginaganap sa Philippine International Convention Center (PICC).
Matapos sibakin si Reyes sa Last 32 sa pamamagitan ng 11-7 panalo, isinunod nito ang defending champion na si Wu Chiaching, ng Chinese Taipei sa quarterfinals sa magaang 11-6 panalo.
Bitbit ang mataas na morale bunga ng dalawang malalaking tagumpay, iginupo ni Alcano si Li Hewen ng China, 11-6. Dinaig ni Li ang Vietnamese na si Luong Chi Dung sa 11-7 iskor.
"Pangatlong lahok ko na ito sa World Pool pero ngayon lamang ako pumasok sa finals kaya masayang masaya ako dahil dito pa sa bansa natin ito nangyari," wika ni Alcano.
Ang isa pang Pinoy na pumasok sa quarterfinals na si Rodolfo Boy Samson Luat ay nasibak naman ni Taiwanese Fu Chewei, 7-11 na tinalo ni Ralf Souquet ng Germany sa kapana-panabik na 11-10 iskor.
Makakalaban ni German ace si Alcano sa race-to-17 finals ngayon.
Nakuntento lamang si Luat sa consolation prize na $10,000 kagaya nina Wu, Luong at Liu Cheng-chuan habang sina Li at Fu ay mayroon namang tig-$20,000.
Paglalabanan nina Alcano at Souquet ay $100,000 o humigit kumulang na P5 milyon. Ang matatalo ay mag-uuwi naman ng $40,000.
Hawak na ni Alcano ang 10-7 kalamangan nang ma-foul si Li sa isang placing shot pero hindi pa agad bumigay ang 26-anyos na tubong Beijing China.
Nagkaroon ng tsansa si Li na makadikit kay Alcano matapos nitong kunin ang kanyang sargo sa 18th rack at tatlong beses na-scratch si Alcano sa 19th.
Gayunpaman, isang malaking pagkakamali ang nagawa ni Li nang mapasama ang kanyang tira sa 8-ball sa pagpreprepara sa 9-ball na siyang dahilan para ma-scratch ito na tuluyang nagkaloob kay Alcano ng panalo. (Mae Balbuena)