Jaca-Marquez fight ihaharap na sa media

Nakatakdang iharap ng Golden Boy Promotions bukas (Biyernes sa Pilipinas) sa isang media conference sina World Boxing Organization (WBO) interim featherweight titlist Juan Manuel Marquez at Filipino Jimrex Jaca sa Wyndham Garden Hotel sa McAllen, Texas. 

Ang bakbakan nina Marquez at Jaca ang siyang main event ng HBO Boxing After Dark sa Nobyembre 25 sa Dodge Arena sa Hidalgo, Texas. 

Iaakyat ni Marquez, nakalusot kay Manny Pacquiao sa kanilang featherweight fight noong Mayo ng 2004, ang kanyang 45-3-1 win-loss-draw ring record, samantalang ibabandera naman ng 23-anyos na si Jaca ang kanyang 26-2-1 slate. 

Matatandaang nagkaroon ng kontrobersya ukol kay Jaca matapos itong magtungo sa United States para sumama sa Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya nang hindi nagpapaalam sa manager niyang si Rex "Wakee" Salud. 

Hindi inasahan ni Salud na itutuloy pa rin ng Golden Boy Promotions ang naturang laban matapos makansela noong Oktubre 21 sa El Paso, Texas bunga ng problema ni Jaca sa kanyang Visa sa US Embassy. 

Nang hindi siya makarinig mula sa kampo ni Dela Hoya, ipinakiusap naman ni Salud si Jaca kay Top Rank Promotions chief Bob Arum para mapabilang sa "Grand Finale" nina Manny Pacquiao at Erik Morales sa Nobyembre 18 sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada. 

Si Arum ang matinding karibal ni Dela Hoya sa promotional boxing scene.  Nagbanta si Salud na magsasampa siya ng reklamo sa Games and Amusement Board (GAB) dahil sa pagkakaroon pa ng kontrata sa kanya ni Jaca na hanggang 2009. (Russell Cadayona) 

Show comments