"I will file a complaint sa GAB either today or tomorrow pagdating from Croatia para malinawan ko kung ano ang dapat kong gawin tungkol dito," wika kahapon ni Salud.
Matatandaang biglaang nagtungo si Jaca sa United States noong Nobyembre 3 nang hindi sinasabi kay Salud, matapos tawagan ni Golden Boy Promotions chief Oscar Dela Hoya.
Ayon kay Salud, hindi niya inasahan na itutuloy ng Golden Boy Promotions ang laban nina Jaca at World Boxing Organization (WBO) interim featherweight champion Juan Manuel Marquez sa Nobyembre 25 sa Dodge Arena sa Hidalgo, Texas.
"Ang sabi kasi nila nung na-cancel yung laban nina Jaca at Marquez last October 21 hindi na matutuloy. So ako naman as a manager, kailangan kong ihanap ng laban si Jimrex kasi mababawi sa kanya yung Philippine featherweight title kung wala siyang magiging laban hanggang November 25," ani Salud.
Dahilan sa kanyang problema sa Visa sa US Embassy, hindi nakaalis si Jaca patungong El Paso, Texas noong Oktubre para sa kanilang laban ni Marquez.
"Actually, hanggang 2009 pa ang kontrata sa akin ni Jimrex, so gusto kong malaman sa GAB kung ano ang dapat kong gawin," wika ni Salud.
Nang makansela ang laban nina Jaca at Marquez noong Oktubre 21, nakipag-ayos na si Salud kay Bob Arum ng Top Rank Promotions, karibal ng Golden Boy Promotions ni Dela Hoya, na mapapasama si Jaca sa mga undercards sa "Grand Finale" nina Manny Pacquiao at Erik Morales sa Nobyembre 18 sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas.
"Ako ngayon ang naiipit kasi naka-commit na rin ako sa Top Rank, tapos pumunta naman si Jimrex sa Golden Boy," dagdag ni Salud. (RCadayona)