Coke ubos sa Express

Sumandal ang Air21 kina Ranidel De Ocampo at rookie Arwind Santos sa end game upang hatakin ang 112-110 panalo laban sa mapanganib na Coca-Cola na nagbangon sa kanila mula sa pag-usad ng eliminations ng Talk N Text PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Nagtulong sina De Ocampo at Santos sa huling 10-puntos na produksiyon ng Express na bumangon mula sa 15-point deficit tungo sa ikatlong panalo ng Air21 matapos ang pitong pakikipaglaban.

Sa naturang run, umiskor si De Ocampo ng lima sa kanyang tinapos na 13-puntos habang kumamada naman si Santos ng apat sa kanyang 16-puntos na produksiyon upang kumplimentuhan ang eksplosibong laro nina rookie Garry David na may 27-puntos, 15 nito ay sa unang quarter lamang at Yancy De Ocampo na may 20 markets.

Ito ang unang pagkakataon na hindi kasama ng Air21 si Ronald Tubid na ipinamigay sa Ginebra kapalit ng tatlong future draft picks gayunpaman ay naipalasap nila sa Tigers ang ikalimang talo sa walong na laro.

Umabante na Express sa 61-49 sa halftime at naiposte nila ang pinakamalaking kalamangan na 64-49 sa three point play ni Santos.

"Life has to go on without Ronald (Tubid). "We were distracted a bit but we have to set it aside," wika ni Air21 coach Bo Perasol.

Nagbalik aksiyon si Ali Peek sa pagkawala sa isang laro bunga ng injury sa tuhod at umiskor ng 24-puntos bukod pa sa siyam na rebounds habang may 25 puntos naman si John Arigo para sa Tigers ngunit hindi ito napakinabangan bunga ng kanilang pagkatalo.

Show comments