Itoy matapos dominahin ni Hsia at Lining ang isinagawang qualifying round kamakalawa sa Star Billiard Center sa Quezon City para makasama sa main draw ang mga naunang qualifier na sina Roberto "Pinoy Superman" Gomez, Nien Rong-Chih ng Chinese-Taipei, Eduardo "Pikoy" Villanueva at Lee Van Corteza.
Si Hsia, ang 1992 at 1993 World Junior 9-ball champion ay dinaig si Japan-based Filipino Rudy Morta, 9-7, para manguna sa Qualifier 5.
Una dito, angat agad si Morta, 4-1, sa pagsisimula ng alternate break format kung saan sa pagratsada ni Hsia ay natanaw ang tagumpay sa 8-7 na kalamangan.
May pagkakataon pa sanang maisalba ni Morta sa 8-8 all ang laro subalit nagmintis sa isang corner pocket sa No. 7 ball para ibigay sa katunggali ang tagumpay.
Sa Qualifier 6, naiganti ng isa pang Japan based na si Lining ang pagkabigo ng Filipino sa qualifying 5 ng talunin si Taiwanese bet Huang Chune-Wei, 9-4.
Ang iba pang biniktima ni Lining ay sina John Berille (7-6), Jharome Peña (7-6), Leonardo Andam (7-4), Florencio Banar (7-3), at John Salazar (7-1) bago makapasok sa finals.
Muling nagpatuloy ang Qualifier 7 at 8 kahapon kung saan ay nagbabakasakaling makapasok sa 128 main draw sina Andam, Peña, Mike "Tsoke" Takayama, Rene Mar David, Ramon "Maestro Monching" Mistica, Ismael "Amay" Rota at iba pa.