Ito ang paglalarawan ni Toyota Otis coach Louie Alas sa kanyang koponang isasabak sa nalalapit na PBL Unity Cup.
Apektado ng pagkawala ng mga key player sa kanilang magandang kampanya sa Unity Cup, sinabi ni Alas na handa silang magtrabaho at magsakripisyo para sa koponan.
"In all, I lost eight good players, so we are in the process of rebuilding the team," ani Alas. "That also mean that I have to make a lot of adjustments."
Ang koponang tumapos bilang runner-up sa likod ng Harbour Centre ay kakampanya na wala sina MVP Joe Calvin Devance, Mark Andaya, Aaron Aban at Boyet Bautista, ang tatlo ay naglalaro sa pro league.
Hindi lalaro si JV Casio at ang tatlo pang players ay lumipat na sa ibang team.
Bumalik na ang 6-foot-7 Devance sa United States nang hindi ito tanggapin sa rookie draft ng PBA dahil kulang ang kanyang dokumento.
Ngunit naniniwala si Alas na may ibubuga ang Sparks dahil sa suportang ibinibigay ng management, sa pangunguna ni owner Rey Oben, Board of Governor Gil Angeles at team manager Baby Oben, at ang determinasyon ng mga players na ma-improve ang kanilang skills.
"Lahat determinado mag-improve, kaya pati sa practice talagang buhos talaga sila," wika pa ni Alas. "If we can do it in actual games, baka marami rin kaming pahihirapan."
Ang mga holdovers na sasandalan ni Alas ay sina point-guard JP Alcaraz, Dennis Daa at Erick Rodriguez, Marvin Cruz at Christian Coronel.
Bukod kay Cruz, ang mga baguhan sa team ay sina Patrick Cabahug, Marco Fajardo at rookie Floyd Dedicatoria, ang nagbabalik na si Don Yabut na pinakamalaki sa team sa taas na 6-foot-7, Chris Baluyot at Letran boys -- RJ Jazul, Brian Faundo, Mico Quinday at Roy Guevarra.