Susubukan ni Filipino Brian Viloria na bawiin ang koronang inagaw sa kanya ni Mexican Omar Nino Romero sa kanilang rematch para sa suot na World Boxing Council (WBC) light flyweight crown ng huli.
Matatandaang tinalo ni Romero si Viloria via unanimous decision noong Agosto 10 sa Las Vegas kung saan nabigong idepensa ng tinaguriang "The Hawaiian Punch" ang kanyang WBC light flyweight title.
Ibabandera ni Romero ang 24-2-1 win-loss-draw ring record, habang iaakyat naman ni Viloria ang 19-1-0 slate.
Dahilan na rin sa pagbibigay ng sapat na atensyon sa paghahanda ni Pacquiao sa kanilang ikatlong laban ni Morales, binitawan na ni American trainer Freddie Roach ang pagsasanay kay Viloria.
Si Roach ang nasa likod ni Viloria nang matalo ito kay Romero kung saan hindi nito itinago ang pagkadismaya sa inilaro ng Hawaiian-based Filipino fighter.
Bukod sa upakang Romero-Viloria, itatampok rin sa undercard ang banggaan nina "Mighty Mike" Arnaoutis at Ricardo Torres para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) junior welterweight division.
Naayos ang salpukan nina Arnaoutis (17-0-1) ng Athens, Greece at Torres (29-1) ng Barranquilla, Colombia nang bitawan ni Miguel Cotto ang kanyang WBO junior welterweight crown.
Isang six-round bout naman nina super featherweight Juan Carlos Salgado (16-0-1) at super welterweight Vanes "Nightmares" Martiyosan ang magsisimula ng mga bakbakan. (Russell Cadayona)