Kawalan ang ‘di pagsama nina Reyes at iba pa sa Asian Games

Aminado si Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP) president Ernesto Fajardo na isang kawalan ang hindi paglalaro nina Efren "Bata" Reyes, Francisco "Django" Bustamante, Alex Pagulayan at Antonio "Nikoy" Lining sa darating na 15th Asian Games sa Doha, Qatar. 

Ngunit hindi naman siya nawawalan ng kumpiyansa sa mga ‘lesser-known players’ para sa kampanya ng tropa sa naturang quadrennial meet. 

"Itong mga players na ito have reached a certain level where we can expect them to deliver the goods for the country," wika kahapon ni Fajardo sa men’s national team na kinabibilangan nina Leonardo Andam, Antonio Gabica, Jeffrey De Luna, Reynaldo Grandea, Felipe Tauro, Jr. at Alvin Punzalan. 

Sa 2002 Asian Games sa Busan, Korea, isa ang billiards and snooker sa tatlong sports associations na nag-uwi ng gintong medalya. Nagtambal sina Bustamante at Lining sa 9-ball doubles event upang angkinin ang gold medal katulad nina equestrianne Mikee Cojuangco at bowlers Paeng Nepomuceno at RJ Bautista. 

"I think these players have enough capability to win the gold medal in the Doha Asian Games," sabi ni Fajardo sa grupo. 

Idedepensa nina Gabica at De Luna ang korona nina Bustamante at Lining sa 9-ball doubles, samantalang sasabak naman sina Andam at Gabica sa 8-ball doubles event sa 2006 Doha Asiad. 

Babanderahan naman nina Rubilen Amit, double gold medalist sa 2005 Southeast Asian Games, at Iris Ranola ang women’s squad. (RC)

Show comments