Tanging si national bowler Paeng Nepomuceno ang magtatanggol ng titulo sa mens doubles sa 15th Asian Games sa Doha, Qatar sa Disyembre 1-15.
Si RJ Bautista, nakatuwang ng four-time World Cup champion na si Nepomuceno sa pagsikwat sa gintong medalya sa mens doubles sa 2002 Busan Asiad, ay nabigong makapasok sa national team.
Bukod kina Nepomuceno at Bautista, ang dalawang gold medal ng bansa sa nasabing edisyon ng quadrennial meet ay nanggaling kina equestrianne Mikee Cojuangco at billiards masters Francisco "Django" Bustamante at Antonio "Nikoy" Lining.
Si Cojuangco, gold medal winner sa individual showjumping sa Busan Games, ay nakatutok ngayon sa kanyang trabaho bilang secretary-general ng Philippine Equestrian Federation (PEF).
Nagkaroon naman ng commitment sina Bustamante at Lining, sumargo ng ginto sa mens 9-ball doubles sa Busan, sa ibang bansa kung saan makakasabay ang iskedyul sa Doha Asiad.
Ang naturang mga gold medalists sa 2002 Busan Asiad ay nabiyayaan ng tig-P1 milyon bilang cash incentive, samantalang nakatanggap naman ang 7 silver medalists ng tig-P500,000 at tig-P100,000 naman para sa 16 bronze medalists.
Ang nasabing cash incentives ang siya ring matatanggap ng mga atletang mag-uuwi ng gold, silver at bronze medal sa 2006 Doha Asiad, ayon sa Philippine Sports Commission (PSC). (Russell Cadayona)