Purefoods lusot sa Phone Pals

Bumangon mula sa 20-puntos na pagkakahuli ang Purefoods at kinailangang dumaan sa tatlong overtime bago maisulong ang 109-103 panalo kontra sa bigatingTalk N Text sa pag-usad ng PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Umiskor ng 10-puntos ang Chunkee Giants sa ikatlong overtime kabilang ang 6-0 produksiyon nina Roger Yap, Mark Pingris at James Yap na nagselyo ng kanilang ikatlong panalo sa anim na laro at ipalasap sa Phone Pals ang ikalawang talo sa anim na laro.

Dahil sa kabiguan ng Phone Pals, malalaglag sila sa ikalawang puwesto at papalit sa kanila sa liderato ang mananalo sa pagitan ng Red Bull (3-1) at Sta.Lucia (3-1) na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito.

Unti-unting nakabangon ang Chunkee Giants hanggang sa agawin nila ang trangko sa 81-79 matapos ang pitong sunod na puntos ni James Yap, 38 segundo pa.

Naitabla ni Taulava ang iskor sa 81-all, 26.7 segundo pa ngunit hindi na gumalaw ang iskor nang magmintis si Jun Simon sa kanyang triple attempt gayundin si Jimmy Alapag sa huling posesyon ng Phone Pals sanhi ng unang overtime.

Humantong sa ikatlong overtime ang laro nang mabigong maka-iskor sina Roger Yap para sa Purefoods at Harvey Carey para sa Phone Pals para basagin ang 88-pagtatabla ng iskor at sa pagkakataong ito ay bentahe na ang Purefoods dahil fouled-out na sina Asi Taulava at Don Allado.

Sisikapin naman ng paboritong Barangay Ginebra na makaahon mula sa back-to-back loss na sumira ng kanilang three-game winning streak sa pakikipaglaban sa Coca-Cola sa alas-6:00 ng gabi sa Josefina T. Albano Sports and Cultural Center sa pagdalaw ng PBA sa Cabagan, Isabela. (Mae Balbuena)

Show comments