Manila athletes nagpasiklab

Agad nagpasiklab ang mga track and field athletes ng host city na Manila sa pagkopo ng apat na gintong medalya sa Rizal Memorial track oval sa unang araw ng 2nd Manila Youth Games National Invitational kahapon.

Sumandal ang Maynila  kina Ramon Agting, Jr. sa boy’s 13-15 javelin throw, Emmanuel Manzanero sa boy’s shot put, Reimar Pusing sa 1,500m run at William Ong sa long jump. 

Nagtala si Agting,  ng  43.88m sa boy’s 13-15 javelin throw habang nagmarka naman si Manzanero ng 11.77m sa boy’s shot put.

Tinawid naman ni Pusing  ang finish line sa tiyempong 16:04.00 sa 1,500m run habang lumundag naman si Ong ng 5.76m  sa long jump. 

Nagsubi pa ng isang gold ang Manila mula sa 8-under class ng football sa Luneta Ballpark kung saan nakakuha ng dalawang ginto ang Parañaque City na naghari sa girl’s 10-under at boy’s 10-under events.

Tinalo ng Parañaque ang Manila, 20-1 sa girl’s 10-under, at ang Muntinlupa, 3-1 tagumpay sa boy’s 10-under.

Nakopo naman ng Tuguegarao ang titulo sa girl’s 12-under habang ang Muntinlupa ang naghari sa boy’s 12under.

Samantala, pumukaw naman ng pansin ang pamangkin ni Ilocos Norte Gov. Chavit Singson  na si Rhealyn Pascua, ng gold medal sa girl’s 12-under long jump para sa Candon City sa paglundag ng 4.06m.

Sa little league baseball sa Rizal Memorial Diamond, ipinoste ng Tanauan City ang kanilang 2-0 panalo nang talunin ang Valenzuela via 6-0 panalo sa 11-12 division, samantalang tinalo naman ng Muntinlupa ang Taguig, 9-8.

Itinakas naman ng Maynila ang 2-1 panalo laban sa  Mandaluyong sa collegiate softball. (MB)

Show comments