Ayon kay top Filipina diver Sheila Mae Perez, ang Athlete of the Year noong nakaraang taon, dalawang linggo silang hindi nakapagsanay sa Trace College Aquatic Center sa Laguna.
"Naapektuhan po kasi ng Milenyo yung Trace College diving at swimming pool dahil bumaha po. Kaya wala kaming training for two weeks," ani Perez na panauhin sa lingguhang SCOOP session na ginaganap sa Kamayan Restaurant sa Padre Faura.
"Target po talaga namin na makapag-uwi ng first diving medal sa Asian from Doha," sabi pa ng 22-gulang na si Perez, na nagsubi ng tatlong golds sa huling Southeast Asian Games dito sa bansa.
Bukod kay Perez, ang iba pang miyembro ng diving team na sasabak sa Doha Asiad ay sina SEA Games gold medalists Ceisel at Zardo Domenios, Nino Carog, Ryan Fabriga at Jaime Asok sa ilalim ni Chinese coach Zhang Dehu.
Ayon naman sa dating swimming sensation at secretary-general na ngayon ng Philippine Amateur Swimming Associationi (PASA) na si Akiko Thomson, target ng swimming team na makapag-uwi ng bronze medal.
"Silver medal is great but right now, I think, our swimming team is good for bronze medal finish," ani Thompson na isa rin sa panauhin ng programa na hatid ng Accel.
Kabilang sa swimming team ay sina Kendrick Uy na nagsanay sa Canada, Ryan Arabejo, Marichi Gandionco, Ernest Dee, Gerard Bordado at ang 14-anyos na si GG Cordero na siyang pinakabata sa RP Delegation. (Mae Balbuena)