15-man Pinoy riders nangako na gagawin ang lahat para masungkit ang Asian Games gold medal

Nangako ang 15-man Filipino riders na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makasikwat ng medalya sa 15th Asian Games, bagamat mahirap ito para sa kanila.

"Walang bukas bukas ito," magkatuwang na pahayag nina Warren Davadilla at Arnel Quirimit, na kapwa nag-iingat ng Tour Pilipinas crowns at ang dalawa ang pinaka-beterano sa koponan. "Iba ang labanan dito dahil bibihira ang pagkakataon na makalaro ka sa Asian Games. "

Sa katunayan ang mga siklista ay sumailalim sa mabigat na dalawang qualifying events upang makasama sa Asian Games roster.

Bukod kina Quirimit at Davadilla kasama rin sa koponan sina Santy Barnachea, isa pang Tour champion, at Frederick Feliciano, Ericson Obosa at John Ricafort sa road team, habang sa track, ang men’s team na nag-qualified para sa Doha mula sa Track Asia Cup 1 at 2 sa Ipoh (Malaysia) at Bangkok (Thailand) noong Agosto sina Alfie Catalan, Jan Paul Morales, Paulo Manapul, Edwin Paragoso, Carlo Jasul, Alvin Benosa, Arnold Marcelo at ang may edad ng si Paterno Curtan. Sila ay sasamahan ng head coach na si Jomel Lorenzo at assistant coaches na sina Domingo Villanueva at Dindo Quirimit at ng equipment custodian na si Dante Valdez.

Dadalhin naman ni Baby Marites Bitbit ang kampanya ng women’s team sa road at track kung saan malakas ang kanyang tsansa na magkamit ng medalya.

Pepedal si Bitbit sa women’s individual time trial at massed start ng road race, gayundin sa 3-km individual pursuit at points race sa track.

  Sinabi naman ni PhilCycling president Bert Lina na 100 porsiyento siya sa likuran ng mga siklista at inihayag na determinado ang Philippines na muling maka-ungos sa mga kasamang Asyanong bansa.

"This team is perhaps one of the best inspired and I am confident our riders will be pouring in their best for flag and country," aniya.

Show comments