Sa pre-season tournament ay nagtala ng limang panalo ang Aces kabilang na ang overtime win kontra San Miguel Beer upang makopo ang kampeonato. At siyempre, na-excite ang mga fans ng Alaska at muli silang nangarap ng isang kampeonato.
Matagal-tagal na rin namang hindi nakakapag-uwi ng titulo ang Aces. Huli itong nangyari apat na taon na ang nakalilipas at sa isang maikling Invitational meet pa ito naganap.
Pero iba talaga ang pre-season tournament kaysa sa official tournament. Sa pre-season kasiy hindi naman talaga inilalabas ng mga koponan ang tunay nilang lakas. Nag-eeksperimento pa sila, naghahanap ng kumbinasyon at sistema.
Sa official tournament, wala nang partida at seryosohan na. Ganito ang nangyayari sa Alaska na iisang panalo pa lamang ang naitatala.
Dinaig nila ang Coca-Cola Tigers, 99-84 noong Oktubre 4. At sa larong iyon ay nangangapa rin ang Tigers na nag-overhaul ng kanilang line-up. Aapat na manlalaro buhat sa nakaraang season ang nagbalik sa poder ng Coca-Cola. So, expected talagang manalo ng Alaska.
Sinimulan ng Aces ang kanilang kampanya sa Philippine Cup sa pamamagitan ng 99-92 pagkatalo sa Red Bull sa University of Guam Fieldhouse noong Setyembre 28. Bagamat pitong puntos ang naging winning margin ng Barakos, hindi nareflect dito ang pangyayaring dinomina ng Red Bull ang laro at tinambakan ang kanilang kalaban sa unang tatlong quarters.
Ang ikalawang pagkatalo ng Aces ay ipinalasap sa kanila ng Talk N Text, 97-93. Dikdikan ang naging laban nila ng Phone Pals at tanging endgame breaks lang ang naging susi sa tagumpay ng Talk N Text.
Noong Sabado ay inilugmok ng Sta. Lucia Realty ang Aces, 98-92. Minalas ang Alaska sa larong iyon dahil sa nagtamo ng knee injury ang lead point guard nilang si Mike Cortez sa first half pa lamang. Hindi na nakapaglaro pa si Cortez na ngayong umagay sasailalim sa pagsusuri sa ospital. Kung grabe ang injury ni Cortez, magsisilbi itong malaking dagok sa kampanya ng Aces kasi wala na silang ibang legitimate point guard. Inilagay pa nila sa reserved list si Rency Bajar matapos na i-activate si Bernzon Franco.
Sabihin na nating nagsisimula pa lamang ang conference at may 14 games pang nalalabi ang Aces sa double round eliminations. Pero hindi nga maganda ang umpisa ng Alaska at malalagasan pa sila. Kaya naman marami ang nangangamba na baka madismaya na naman si coach Tim Cone na kapipirma lang ng panibagong kontrata.
Buo pa rin naman ang pagtitiwala ng management kay Cone. Pero siyempre kailangan na niyang magdeliver para patunayang karapat-dapat ngang i-extend ang kanyang kontrata!