Tila wala nang kawala sa Phone Pals ang panalo nang umabot sa 25-puntos ang kanilang kalamangan ngunit pagdating sa ikaapat na quarter, 10-puntos na lamang ang hinahabol ng Dragons.
Mabuti na lamang at nagising ni Pumaren ang kanyang mga bata upang muling dumistansiya patungo sa 115-99 panalo laban sa Welcoat sa pagpapatuloy ng eliminations ng PBA Philippine Cup na dumako sa Cuneta Astrodome kagabi.
"I was scared kasi baka magkaroon ng tsansa ang Welcoat kasi naibaba nila sa 10-points," pahayag ni Pumaren. "Ive been telling them we cant take Welcoat for granted because of the confidence they got after beating Coke."
Sumosyo ang Phone Pals sa liderato sa walang larong Barangay Ginebra matapos pantayan ang 3-0 kartada habang nabigo ang Welcoat na masundan ang 85-75 panalo na bumura sa alaala ng 69-102 pagkatalo sa Gin Kings sanhi ng kanilang pagbagsak sa 1-2 record.
Dumikit sa 76-86 ang Dragons sa kaagahan ng ikaapat na quarter ngunit sa pangunguna ni Asi Taulava na umiskor ng walo sa kanyang tinapos na 16-puntos sa ikaapat na quarter, ay muling lumaki ang agwat ng Talk N Text.
Pinangunahan ni Harvey Carey at Renren Ritualo ang Phone Pals sa pagkamada ng 22 at 20 puntos ayon sa pagkakasunod habang nasayang ang 21-puntos ni Denver Lopez, 13 nito ay nang naghahabol ang Dragons sa final canto.
Sa pagdako ng aksiyon sa San Juan gym ngayong araw, pakikisalo rin sa liderato ang pakay ng Sta. Lucia Realty habang makatikim ng unang panalo ang pakay ng defending champion Purefoods Chunkee sa magkakahiwalay na laban.
Sasagupain ng Realtors ang Alaska sa unang sultada sa alas-4:05 ng hapon habang ang Air21 naman ang makakalaban ng Chunkee Giants sa alas-6:30 ng gabing sultada.
Parehong bigo ang Express at Purefoods sa kanilang unang dalawang sultada at hangad nilang makawala sa grupo ng mga koponang may 0-2 record kung saan kasama nila ang San Miguel Beer at Coca-Cola. (Mae Balbuena)