Pero walang personalan at laban lang ito.
Isang mahusay na laban ang ipinakita ng pool icon at payukurin si Lining , 9-5, kahapon sa Casino Filipino Pagcor Theater.
"Ang malas ko naman kako sa draw kaya ako napangiti. First round pa lang malakas na agad ang natapatan ko," ani Reyes.
Ngunit matapos mapagwagian ang unang tatlo sa apat na racks sa alternate break match, alam na ni Reyes ang patutunguhan.
"Nung naramdaman ko na maganda ang tumbok ko, alam ko na sa break na lang posibleng magkaproblema."
Susunod na makakalaban ni Reyes si Antonio Gabica, na namayani naman kay Richard Pornelosa, 9-2.
Mas magaan naman ang naging kalaban ni Marlon Manalo. Iginupo ni Manalo si Antonio Cusi, 9-2, upang isaayos ang ikalawang round na pakikipagsarguhan kay Eric Taneo.
"First time ko nameet ang kalaban kaya diniin ko na nung makauna ako," wika ni Manalo. "Mahirap na kasing masingitan. Hindi naman sya magkuqualify kung hindi magaling."
Sinorpresa ni Taneo ang pinapaborang si Jeffrey de Luna, 9-7.
Samantala, binuksan ni defending champion at top seed Francisco "Django" Bustamante ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng 9-4 tagumpay laban kay John Salazar.
Makakalaban naman niya ang beteranong local campaigner na si Russian Petiza, na ginapi si Eleazar Saludo, 9-6, sa ikalawang round.
Sa iba pang laban, ginulat ni qualifier Leonardo Didal ang 4th seed na si Ronnie Alcano, 9-8, habang pinabagsak ni Carlo Biado si Bienvenido Soliman, 9-4.