Talk N Text naman ang susubukan ng Welcoat

Sa  sobrang saya ni coach Leo Austria matapos manalo sa Coca-Cola noong Linggo, hindi na siya nag-isip na manalo sa kanyang susunod na laban.

"Puwede nang matalo ulit," ang nasabi ni Austria nang kanilang itala ang hindi inaasahang 85-75 panalo laban sa Tigers para sa kanilang kauna-unahang panalo sa pro league noong Linggo.

Nabura ang masamang alaala ng kanilang masaklap na 69-102 pagkatalo laban sa Barangay Ginebra sa kanilang debut Game noong October 1 matapos umangat sa 1-1 kartada.

Ngunit tila pananda-lian nga lamang talaga ang kasiyahan ni Austria dahil isa nanamang bigating koponan ang susunod na makakasagupa ng kanyang rookie team sa pagpapatuloy ng eliminations ng PBA Philippine Cup na dadako ngayon sa Araneta Coliseum.

Babanggain ngayon ng Dragons ang koponang may maasahang Paul Asi Taulava, Jimmy Alapag, Mark Cardona, Anthony Washington, Harvey Carey, Don Allado, Victor Pablo at rookie Mark Andaya.

Samantalang ang Dragons, aasa ito kina rookies JayAr Reyes at Denver Lopez na siyang nakakapagdeliver ng husto sa dalawang laro ng Welcoat.

Nakakadalawang sunod na panalo na ang Phone Pals at inaasahang magiging magaan ang kanilang pagsulong sa ikatlong sunod na tagumpay upang makisalo sa liderato sa top favorite Barangay Ginebra.

Hangad din ng Red Bull na makisosyo sa liderato sa pakikipagharap sa  wala pang panalong Coca-Cola sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi.

Kasama ng Bulls at Phone Pals sa 2-0 record ang Sta. Lucia Realty habang ang Coca-Cola ay bigo sa kanilang unang dalawang asignatura katulad ng defending champion Purefoods at Express. (Mae Balbuena)

Show comments