Bustamante sisimulan na ang kampanya

Para kay Francisco ‘Django’ Bustamante, ang manalo sa Philippine 9-Ball Open ay kasing hirap nang manalo sa world competitions.

"Walang nakakasiguro rito," ani Bustamante, ang top seed at defending champion sa torneong inorganisa ng Solar Sports. "Kayang talunin ng mga players natin dito kahit na sinong world champion."

Sisimulan na ni Bustamante, na tumalo kay Dennis Orcollo sa finals noong nakaraang taon, ang kanyang kampanya sa pagpapanatili sa korona laban kay 32nd seed John Salazar sa Casino Filipino Pagcor Theater sa Parañaque City.

Maganda ang nilalaro ng ipinagmamalaki ng Tarlac na si Bustamante sa mga nagdaang torneo.

Matagumpay nitong napanatili ang Bali Open corwn sa Bali, Indonesia at nakipagtambalan ito kay Efren ‘Bata’ Reyes para makopo naman ang World Cup of Pool title noong Agosto sa Newport, South Wales.

Ang iba pang markadong laban sa opening round ay ang sagupaan nina Orcollo laban sa veteran campaigner na si Alladin Dulao, Fidel Punzalan kontra kay Lee Van Corteza, Ronnie Alcano laban kay Leonardo Didal at top qualifier Yusuuke Kuruda laban sa umuusbong na star na si Mike Takayama.

Samantala, ang apat na inimbitahang players na sina dating world champions Reyes at Alex Pagulayan, pool legend Jose "Amang" Parica at World Pool Championship semifinalist Marlon Manalo -- ay idodraw bago magsimula ang torneo para madetermina ang kanilang seedings. Ookupahan nila ang 9th hanggang 12th spots.

Ang unang round ng double elimination tournament ay race-to-9 habang ang semis ay race to-13 at ang finals naman ay race-to-17 na ang lahat ay gagamit ng alternate break format.

Show comments