Gabi umiskor ng first round KO kay Rivas

Hindi lamang si Manny Pacquiao ang gumagawa ng eksena para sa Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya. 

Umiskor si Diosdado "Prince" Gabi, Jr. ng isang first round knockout laban kay Mexican Felipe Rivas sa kanilang super flyweight bout bilang undercard sa Oscar Larios-Roberto Bonilla fight sa Desert Diamond Casino sa Tucson, Texas.

 Ito ang unang panalo ni Gabi, alaga rin ni American trainer Freddie Roach,  para sa kampo ng Golden Boy Promotions ni Dela Hoya. Inatake ng 27-anyos na si Gabi, isang dating world title contender, ang katawan ng 23-anyos na si Rivas patungo sa kanyang tagumpay. 

Umangat sa 28-3-1 win-loss-draw ang ring record ni Gabi kasama na rito ang kanyang 21 KOs, samantalang lumagapak naman sa 5-4-1 ang baraha ni Rivas.

 Samantala, naglista naman si Larios ng isang fourth-round stoppage kay Bonilla sa 1:40 nito sa kanilang featherweight bout para itaas ang kanyang record (57-5-1).

 Nagbabalik si Larios, dating WBC super bantamweight ruler, sa world boxing scene matapos na ring bugbugin ni Pacquiao sa kanilang non-title fight noong Hulyo 2 sa Araneta Coliseum. 

Ang naturang panalo kay Bonilla (22-9) ang unang tagumpay ni Larios, may 37 KOs ngayon, makaraan ang naturang kabiguan kay Pacquiao.

Show comments