Sisikapin ni Pido Jarencio, ang reigning UAAP champion University of Santos Tomas na kumpletuhin ang kanyang impresibong debut bilang rookie coach sa paghiganti ng nakakahiyang kabiguan ng Tigers noong nakaraang edisyon ng torneo na itinatanghal upang matulungan ang mga inaabusong kabataan ng Bantay Bata 163.
Sa kabilang dako naman, hangad naman ni Koy Banal ng San Beda na siyang nahirang na kampeon sa NCAA na maipagpatuloy ang kanilang dominasyon sa UAAP sa panibagong pakikibaka matapos na ma-sweep ang naunang dalawang all-star games at ang 2-3 ball.
Samantala, tampok naman sa junior side ang Potit de Vera-coach UAAP team laban sa Raymond Valenzona-mentored NCAA side sa ala-1 ng hapon at inaasahang magiging kasiya-siya ang nasabing paghaharap na ito dahil tiyak na ibibigay ng mga manlalaro at coaches ng dalawang koponan ang lahat ng kanilang makakaya at tunay na lakas.
Isa pa sa magpapasaya sa torneo ay ang pinakahihintay na pagsabak ni JC Intal ng Ateneo de Manila sa slam dunk kung saan asam nito na mapanatili ang kanyang hawak na korona laban kina Rey Guevarra (Letran), Dylan Ababou (UST), Lei Navarro ng PCU at Elmer Espiritu ng UE.