Nagtala si Alcano ng impresibong 11-1 panalo laban kay Jerry Slivka sa ikalimang round upang isaayos ang pakikipagharap kay Gabe Owen habang tinalo naman ni Luat si Darren Appleton, 11-10 upang itakda ang pakikipagsagupa kay Charlie Bryant.
Kasabay nito, patuloy naman sa pagsulong ang tatlong Pinoy mula sa losers Bracket na sina Antonio Gabica, Gandy Valle at Lee Van Corteza.
Nakarating sa ikawalong round si Gabica matapos talunin sina Chris Bartram, 11-10; DJ McGinley, 11-2; at Rick Howard, 11-5. Susunod nitong makakalaban si Shawn Putnam para sa karapatang hamunin si Slivka.
Sinibak naman sa kontensiyon ni Valle sina Rodney Morris, 11-5; Steve Lillis, 11-4; at Po Cheng Kou, 11-5 upang itakda ang pakikipaglaban kay Steve Moore sa seventh round kung saan hinihintay ni Earl Strickland ang kanyang makakalaban sa dalawang ito.
Nakarating naman sa ikasiyam na round si Corteza nang dispatsahin nito sina Allen Hopkins, 11-10; Nick Varner, 11-10; Shane Van Boening, 11-10; Charles Altomare, 11-10 at Ryan McCreesh, 11-10.
Dalawang Pinoy naman ang nalagas kahapon sa pagkatalo nina Jose Amang Parica at Santos Sambajon.
Nasibak si Parica matapos ang 9-11 kabiguan kontra kay Marcus Chamat habang nawalang saysay ang naunang panalo ni Sambajon laban kina Ronnie Wiseman, 11-4 at Evegeny Stalev, 11-10 matapos ang 10-11 kabiguan kontra kay Tony Robles.
Ang iba pang players na nananatiling walang talo ay sina David Broxon, CJ Wiley, Troy Frank at Robb Saez. Magkalaban sina Broxon at Wiley ha-bang sina Frank at Saez naman ang magkakatapat. (Mae Balbuena)