Kasi bagamat consistent finalists ang Dolphins sa huling tatlong seasons, walang gaanong naniwala sa kanila na aabot sila sa championship round.
Sa umpisa ng torneoy nagkaroon kaagad ng kontrobersya nang magbitiw bilang head coach si Edmundo "Junel" Baculi at ipinalit sa kanya ang kanyang assistant na si Joel Dualan. Sa tutoo lang, sa kabuuan ng torneo ay hindi nga kumuha ng assistant coach si Dualan at tanging si Bernard Yang, na siyang tumatayong team manager nila, ang siya niyang nakatulong.
Ani Dualan ay okay lang naman iyon dahil pareho naman sila ng wave length at kapwa nila alam ang direksyong nais tunguhin ng team. At okay din naman si Yang dahil sa dati naman itong naglaro at nagcoach sa mga Fil-Chinese leagues.
Nangapa si Dualan sa bangko ng PCU at itoy kitang kita sa mga unang laro ng Dolphins na pawang come-from-behind wins ang kanilang naitala. Subalit kahit paanoy kinakitaan ng pangako ang Dolphins nang sila ang unang koponang bumahid sa record ng San Beda.
Subalit hindi pa rin bumilib ang karamihan sa PCU at sinabing kaya lang naman nanalo ang Dolphins ay dahil sa hindi si Koy Banal ang siyang nagcoach sa Red Lions sa game na iyon. Nagpaalam si Banal na tutulungan muna niya ang Purefoods Chunkee Giants sa PBA dahil sa conflict ang games nang araw na iyon.
So, kahit na ang PCU ay nagwagi, tila walang nag-akalang aabot sa championship round ang Dolphins at mas tinitingnan ng mga followers ng NCAA ang pusibilidad na ang Letran Knights ang makakaharap ng San Beda.
Pero hiniya ng Dolphins ang halos lahat dahil nakarating sila sa championship round at napuwersa pa nila ang Red Lions sa isang Game Three matapos na tambakan nila ang San Beda, 70-52 sa Game Two.
At muntik pang paiyakin ng Dolphins ang Red Lions sampu ng sangrekwang supporters nila na pumuno sa Araneta Coliseum noong Biyernes.
Isang malaking karangalan na ito para kay Dualan. Biruin mong ngayon lang siya humawak ng team ay muntik pa niyang mapagkampeon ang Dolphins. Kahit paanoy naipakita niya sa mga basketball fans na puwede nga siyang mag-excel sa bagong propesyon niyang ito.
Ngayon, ang hamon para kay Dualan ay kung paanong hahanap ng kapalit ni Gabby Espinas na naglaro sa huli niyang season sa NCAA. Kailangang makakuha siya ng kapalit upang maging panapat kay Samuel Ekwe ng San Beda sa susunod na season at nang maipagpatuloy ng Dolphins ang pagiging consistent finalists nila.