Ito ay matapos ilampaso ng Philippine Christian University ang San Beda College, 70-52, sa Game 2 upang puwersahin sa isang winner-take-all ang 82nd NCAA mens basketball championship kahapon sa Araneta Coliseum.
Kumolekta si Gabby Espinas ng 20 sa kanyang 22 puntos sa second half para sa Dolphins at itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-three titular showdown ng Red Lions na magwawakas bukas ng alas-3:30 ng hapon para sa Game 3 sa Big Dome.
"Nung Game 1 kasi ako yung sumunod sa tempo ng San Beda. Rookie mistake sabi nga nila," ani coach Joel Dualan sa 57-71 kabiguan ng 2004 NCAA champions sa series opener noong Lunes. "Ngayon, nakuha namin ulit yung bearing at yung gusto naming mangyari sa game na ito."
"We werent able to give our best in this game but we will bounce back on Wednesday," sambit ni mentor Koy Banal sa kanyang Mendiola-based cagers.
Kaagad na kinuha ng PCU ang 21-10 abante sa first period patungo sa 37-16 pag-iwan sa San Beda, huling naghari noong 1978, sa huling 1:12 ng second quarter mula sa isang 3-point shot ni Robby David.
Ipinoste ng Dolphins ang pinakamalaki nilang abante sa 53-27 sa 4:45 ng third period buhat sa basket ni David bago ang isang tres at dalawang basket ni Espinas na nagbaon sa Red Lions sa 64-38 sa 6:55 ng final canto.
"Sabi ni coach (Dualan) dapat mag-step up ako sa second half kasi napag-iiwanan ako ng iba kong teammates. Ayoko namang mawalan ng tiwala si coach sa akin, kaya nagtrabaho talaga ako ng husto sa second half," ani Espinas, pumitas ng 9 rebounds, 2 steals at 1 assist kumpara sa 14 puntos, 16 boards at 3 blocks ni 6-foot-8 Nigerian Sam Ekwe ng San Beda.
Sa juniors division, napanatili ng nagdedepensang San Sebastian Staglets ang kanilang korona nang walisin ang kanilang best-of-three title series ng PCU Baby Dolphins sa 2-0.
"After na makuha namin yung Game 1 naging inspirado na yung mga bata na kunin na itong Game 2," wika ni mentor Raymund Valenzona sa kanyang Staglets, mawawalan ng 10 manlalaro sa 2007 kabilang sina Anthony Bringas, Julius Nasayao, Anthony Del Rio, Kris Sikat at Vergel Zulueta.