"Game One is very important sa isang championship series. Winning it will definitely boost the morale of the players and at the same time malapit ka na sa korona," sabi ni coach Koy Banal.
At inaasahan ni Banal na magiging matindi ang upakan ng kanyang San Beda College laban sa Philippine Christian University ni Joel Dualan sa Game 1 ng kanilang best-of-three championship series ngayong alas-4:00 ng hapon para sa 82nd NCAA mens basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Sa inisyal na laro, magtatagpo naman ang nagdedepensang San Sebastian Staglets at ang PCU Baby Dolphins sa alas-2:00 para sa kanilang series opener.
Sa kanilang unang pagtatagpo, tinalo ng Dolphins ang Red Lions, 70-66, habang ang huli naman ang nanaig sa kanilang ikalawang pagtitipan, 73-64.
"Siguro mas may experience kami ngayon pagdating sa championship kasi third straight finals na namin ngayon," ani Dualan. "Pero sa tingin ko, even lang kami ng San Beda."
Ang PCU ang naghari noong 2004 matapos talunin ang University of Perpetual Help Dalta bago nabigo sa Letran College noong nakaraang taon sa kabila ng pag-angkin nila sa Game 1.
Huli namang nagkampeon ang San Beda noong 1978 sa pangunguna nina Chito Loyzaga, JB Yango at Frankie Lim.
"Wala kaming magiging masyadong adjustments na gagawin sa finals. But we will have to strengthen our mental, spiritual and physical toughness against a team like PCU," ani Banal.
Huling nakatuntong sa finals ang Red Lions noong 1997 kung saan sila iginupo ng San Sebastian sa pamumuno ni Rommel Adducul. (R. Cadayona)