Kumpara sa 27-anyos na si Pacquiao, mas mababa ang nakukuhang premyo ng 52-anyos na si Reyes sa kanyang mga paglahok sa malalaking billiards tournament sa ibang bansa.
At kung gugustuhin lamang niya, magtatatag siya ng isang foundation para mabigyan ng edukasyon ang mga mahihirap na kabataan.
"Sa bilyar kasi maliliit lang ang mga premyo at ngayon lang talaga nagkaroon ng malaking premyo," sabi kahapon ni Reyes sa kanyang pagdating sa bansa kasama ang kanyang kumpareng si Francisco "Django" Bustamante.
Ang tinutukoy ni Reyes ay ang kanyang paghahari sa 2006 IPT World 8-Ball Championships sa Reno, Nevada kung saan niya naibulsa ang top prize na $500,000 (P25 milyon).
Ang nasabing prize purse ang sinasabing pinakamalaki na sa kasaysayan ng pool competition.
"Iyong kay Manny Pacquiao talagang malalaking premyo ang nakukuha niya matalo man siya o manalo, sa amin sa bilyar, kapag natalo ka, talo ka talaga at wala kang malaking premyong makukuha," ani Reyes.
Samantala, nakatakda namang umalis bukas sina Reyes at Bustamante para lumahok sa final leg ng 2006 San Miguel Asian 9-Ball Tour sa Jakarta, Indonesia. (RCadayona)