Ngunit ayaw magkumpiyansa nina coach Koy Banal at Joel Dualan.
"We cannot relax for even a single second," wika ni Banal sa kanyang Red Lions na magbibitbit ng twice-to-beat incentive sa Final Four kagaya ng Dolphins ni Dualan. "We have to stay alert and focus sa game namin sa Final Four kung gusto naming ma-achieve yung objective namin, which is to make it to the finals."
Sasagupain ng San Beda ang No. 4 Mapua Tech ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng PCU at No. 3 Letran College, ang nagdedepensang kampeon, sa alas-4 sa Final Four ng 82nd NCAA mens basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Ito na ang pagkakataon ng Red Lions na makapasok sa finals patungo sa hinahangad nilang kampeonato na huling natikman ng Mendiola-based cagers noong 1978.
"Obviously, lahat ng players talagang pipiliting manalo para makarating kami sa gusto naming marating," ani Banal sa San Beda, winalis ang Mapua sa kanilang dalawang pagtatagpo sa eliminasyon, 69-55 at 73-56.
Inaasahan naman ni Dualan na mahihirapan ang kanyang mga Dolphins sa Knights ni Louie Alas base na rin sa kanilang 1-1 rekord sa eliminasyon bago sila nanaig sa playoff, 67-62, noong Biyernes para sa No. 2 spot.
"Alam namin na hindi birong talunin ang Letran. Kahit na maraming veteran players na nawala sa kanila this year, still they have the heart of a champion at hindi sila basta-basta bibigay," ani Dualan.
Noong nakaraang taon matapos kunin ng PCU ang Game 1 ng kanilang best-of-three titular showdown, inangkin naman ng Letran ang Game 2 at Game 3 patungo sa kanilang ika-16 NCAA crown.
"Kaya pa naming gawin ang dapat naming gawin," sabi ni Alas sa Knights. "And Im sure we will give them a good fight." (Russell Cadayona)