Masuwerte ka ‘Bata’

Kinapitan ng suwerte si Efren ‘Bata’ Reyes para makuha ang karapatang harapin si Rodney Morris ng United States sa finals ng IPT World 8-ball Championship sa Grand Sierra Hotel, Reno Nevada.

Ang tubong Angeles City, Pampanga, na itinuturing bilang pinakamahusay na pool player ng bansa ay nakabawi sa pagkatalo sa huling laro laban kay Oliver Ortmann, 6-8, matapos magkaroon ng mas mataas na Games winning percentage laban sa nakatabla sa ikalawang puwesto na si Mika Immonen.

Si Immonen, na natalo kay Reyes sa kanilang laban,8-3, ay nanalo sa kanyang huling laro kontra kay Morris, 8-5, upang makatabla niya ang Filipino cue artist sa ikalawang puwesto sa 3-2 baraha.

Pero may 60% GWP si Reyes laban sa 57.1% na taglay ng Aleman na pool player upang kunin ng una ang ikalawang puwesto sa finals at itulak si Immonen sa ikatlong puwesto sa pangkalahatan.

Ang iba pang tinalo ni Reyes, na nakipagtulungan kay Francisco Bustamante na pagharian ang World Cup of Pool sa South Wales, ay ang kababayang si Dennis Orcullo, 8-4 at Corey Deuel, 8-4 habang ang unang kabiguan niya ay ipinalasap ni Morris sa 7-8 iskor.

May nangungunang 4-1 baraha naman si Morris para dominahin ang Group 82.

Tatangkain ni Reyes na makamit ang kampeonato sa IPT tour bagay na hindi nagawa ni Marlon Manalo sa naunang North American 8-ball Championship.

Matatandaan na nabigo si Manalo kay Thorsten Hohmann sa finals upang makontento sa pangalawang puwesto.

Si Reyes na pumang-apat sa nasabing kompetisyon na nilaro noong nakaraang buwan, ay may magandang tsansa kay Morris bunga na rin ng kinalabasan sa kanilang pagtutuos sa yugtong ito.

Ang tatanghaling kampeon ay magbibitbit ng $500,000 at $150,000 naman ang maiuuwi ng papangalawa sa torneo.

Tumanggap si Immonen ng $92,000 habang pumang-apat si Ortmann para sa $80,000.

Ang Pinoy na si Orcullo ay mayroon lamang 2-3 baraha upang malagay sa ikalimang puwesto at $66,000 premyo habang pumang-anim si Deuel para sa $50,000 pabuya. (Angeline Tan)

Show comments