"May mga bagay na hindi ko dapat gawin pero minsan nagagawa ko dahil kailangan kong gawin," sabi ng tahimik na si Alas, napatalsik sa huling 3:09 ng fourth quarter bunga ng dala-wang technical fouls patungo sa 44-54 kabiguan ng nagdedepensang Letran College sa San Beda College noong Miyerkules sa Araneta Coliseum.
Idinagdag ni Alas na nawala sa kanyang sarili si referee Nestor Magpantay nang bigla nitong baguhin ang kanyang naunang tawag na regular foul kay Knights rookie RJ Jazul laban kay Red Lion Pong Escobal.
"Initially kasi ang tawag niya is just a regular foul pero nung medyo nagkaroon ng sigawan sa ilalim ng court, biglang nagbago siya ng call," ani Alas kay Magpantay. "Sabi ko nga nasa crucial stage pa ng game and were down by four points tapos tatawag pa siya ng unsportsmanlike foul. Very heavy yon para sa amin."
Sa kabila ng pagkakatalsik ni Alas, nakaligtas pa rin ito sa isang one-game suspension mula sa NCAA Management Committee (ManCom).
Sasagupain ng Letran ang 2004 champions Philippine Christian University sa isang playoff match para sa No. 2 seat at ang twice-to-beat incentive sa Final Four ngayong alas-4 ng hapon sa 82nd NCAA mens basketball tournament sa Big Dome.
Sa bisa ng 13-1 rekord, tampok rito ang 12-game winning streak, nakuha ng Red Lions ang No. 1 slot bitbit ang twice-to-beat advantage katapat ang No. 4 Mapua Cardinals (7-7).
Ang mananaig sa pagitan ng Knights, nasa kanilang three-game losing skid at taglay ang 10-4 rekord, at Dolphins (10-4) ang magbubulsa sa No. 2 ticket, habang ang matatalo ay uupo bilang No. 3. (RCadayona)