Si Reyes, na nakipagtambalan kay Bustamante para sa impresibong 13-5 panalo laban sa United States at angkinin ang kauna-unahang World Cup crown sa Newport, Wales kamakailan, ay nanaig kina Lee Heuwagen, 8-0, Gerda Hofstatter, 8-2, Gezer Bulunz, 8-1 at Mike Lebron, 8-4 para manguna sa Group 4 at hatakin ang iba pa sa susunod na round ng $3 million event kung saan tumataginting na $500,000 (P25M) ang mapupunta sa mag-kakampeon.
Sa kabilang dako naman, winalis naman ni Bustamante, dating world No. 1 sina Roman Hybler, 8-2, John Wims, 8-4, Michael Davis, 8-5, at Wade Crane, 8-4, upang maghari naman sa Group 12 ng 40-group, five player field na ang pangunahing tatlong players ang aabante sa susunod na round pagkatapos ng round robin series.
Lima pang Pinoy ang umabante sa pamamagitan ng sweep sa isang dominanteng pagpapakita ng lakas kung saan napatalsik naman ni Warren Kiamco si North American 8-Ball champion Thorsten Hohmann.
Tinalo ni Kiamco si Hohmann, 8-3, Steve Moore, 8-5, Jon Jones at Jim Raney sa magkatulad na 8-1 scores.
Dinomina naman ni Marlon Manalo ang Group 2 sa pamamagitan ng tagumpay kina Charles Williams, 8-3, Scotty Townsend, 8-4, Thomas Kennedy, 8-5, at Rafael Gonzalez, 8-0.
Winalis naman ni Dennis Orcollo ang kanyang mga kalabang sina veteran Nick Varner, 8-5, Glenn Atwell, 8-5, Michael Massey, 8-2, at Jackie Broadhurst, 8-2, para manguna sa Group 3.
Nailista naman ni Ronnie Alcano ang pinakadominanteng laban sa Group 11 makaraang gapiin sina Sarah Ellerby, 8-1, Wayne Catledge, 8-2, David Alcaide, 8-3 at Mary Kenniston, 8-0.
Hindi rin nagpahuli ang dating World 9-ball champion na si Alex Pagulayan na pinayuko sina Kevin Becker, 8-7, Jon Kucharo, 8-6, Charles Bryant, 8-4, at Frank Alvarez, 8-1 para sa Group 13.
Nagtala naman ng tatlong panalo si Rodolfo Luat, winner ng San Miguel Asian Tour leg. Ito ay mula kina Quinten Hann, 8-2, Jeremy Jones, 8-1, at Ewa Laurance, 8-2, para banderahan ang malakas na Group 18. Yumuko ito kay US-based Pinoy legend Jose Amang Parica, 2-8.
Tatlo pang Pinoy ang nakikipagtumbukan habang sinusulat ang balitang ito kung saan umaasa si Antonio Lining na makausad sa susunod na round dahil sa kanyang naunang dalawang panalo sa Group 19, at Santos Sambajon at Ramil Gallego sa Group 32 at 37, ayon sa pagkakasunod.