Mangunguna sa hanay ng manlalaro ng bansa ay si Marlon Manalo na magtatangkang higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos sa isang IPT tournament na nilaro nitong nakaraang buwan.
Matatandaan na natalo si Manalo kay Thorsten Hohmann sa finals sa naunang IPT tour upang makontento sa $99,000 premyo.
Maituturing na makasaysayan ang kompetisyong ito na nilahukan ng 200 mahuhusay na cue artist sa mundo dahil pinakamalaking premyo ang nakataya sa labanan.
Record prize money na $3,000,000 ang kabuuang premyong inilagay at ang tatanghaling kampeon ay mag-uuwi ng $500,000 na pinakamalaki sa kasay-sayan ng event na ito.
Ang iba pang Pinoy na kasali ay sina Efren Bata Reyes, Francisco Bustamante, Alex Pagulayan, Dennis Orcollo, Ronato Alcano, Antonio Lining, Jose Parica, Santos Sambajon at Ramil Gallego.
Sina Orcollo at Reyes na ikatlo at pang-apat, ayon sa pagkakasunod sa naunang edisyon ay tiyak na palaban upang mahigitan ang pagtatapos.