May kailangan pa ang Team Philippines

Maliban sa pagkakaroon ng isang ‘compromise solution’ para alisin ng FIBA Central Board ang suspensyon sa Pilipinas, ang rekwesito pa ng Team Philippines Secretariat at Doha Asian Games Organizing Committee (DAGOC) ang reresolbahin ng dalawang grupo.

 Ayon kay Moying Martelino, pinuno ng Team Philippines Secretariat, wala pa silang nahihinging aplikasyon mula sa DAGOC para sa akreditasyon ng mga atletang ilalahok sa 15th Asian Games sa Doha, Qatar sa Disyembre.  

"Ang problema sa basketball is wala pa tayong naipapadalang mga application for accreditation para sa mga players a maglalaro sa Doha, Qatar. Slot lamang pero wala pa tayong naipapadalang mga pangalan for accreditation," sabi kahapon ni Martelino.

 Ipinag-utos kamakailan ng FIBA Central Board sa BAP ni Joey Lina at Pilipinas Basketball ni NCAA chairman Bernie Atienza ang paghahanap ng solusyon para maialis ang suspensyon sa bansa patungo sa paglalaro ng RP Team sa ma international tournaments na pinamamahalaan ng nasabing international cage body. 

Itinakda na bukas ng Team Philippines Secretariat ang pagsusumite ng mga National Sports Associations (NSAs) ng pangalan ng kanikanilang mga atletang isasabak sa 2006 Doha Asiad. 

Sinabi ni Martelino, dating sports consultant ng Qatar, na hihingi siya ng konsiderasyon sa DAGOC sakaling may maitayo nang koponan ang BAP at Pilipinas Basketball. (Russell Cadayona)

Show comments