Ayon kay Dualan, nasa mga kamay ng San Beda Red Lions ang No. 1 spot sa semifinals bunga ng 11-1 rekord nito at makakatapat ang Mapua Cardinals (7-5) na uupo bilang No. 4. At sa 10-3 baraha ng nagdedepensang Letran at 9-4 kartada ng PCU, posibleng magkaroon ng playoff match sa pagitan ng Knights at Dolphins para sa No. 2 slot sa Final Four.
"Kung puwede naming makuha yung No. 2 slot sa Final Four mas maganda," ani Dualan. "Pero ang sinasabi ko, kung sigurado na ang San Beda sa No. 1 at makukuha namin ang either No. 2 or No. 3 against Letran, alam namin sa sarili namin na kaya namin silang talunin."
Tinalo ng Letran ang PCU sa first round, 62-54, bago nakabawi ang 2004 NCAA champions sa second round mula sa kanilang 59-48 tagumpay.
Upang makapuwersa ng playoff game laban sa Knights, dapat munang talunin ng Dolphins ang Cardinals para sa huling laro nito sa eliminasyon.
"Napakahalaga ng last game namin against Mapua kasi kung mananalo kami at matatalo naman ang Letran sa San Beda, magkakaroon kami ng playoff for the No. 2 spot," wika ni Dualan.
Ang No. 1 at No. 2 teams sa Final Four ay magkakaroon ng twice-to-beat incentive kontra sa No. 4 at No. 3 squads, ayon sa pagkakasunod. (Russell Cadayona)