Nakatakdang magtungo ang ilang pangunahing opisyales ng POC at ng BAP sa Tokyo, Japan ngayong linggo mula sa imbitasyon ni FIBA secretary-general Patrick Baumann sa hangaring resolbahan ang isyu sa pagitan ng dalawa.
Ang POC ay pamumunuan nina vice-president Rep. Monico Puentevella, legal counsel Atty. Ding Tanjuatco at Atty. Mon Malinao, PBA Commissioner Noli Eala at Pilipinas Basketball chief Bernie Atienza.
"It is not a Pilipinas Basketball undertaking. It is a POC endeavor in which case they will present to the FIBA Central Board their stand and explain why it had expelled the BAP," ani Atienza sa magaganap sa pulong ng FIBA Central Board sa Setyembre 27 sa Tokyo, Japan.
Pangungunahan naman ni Joey Lina ang BAP, sinibak ng General Assembly mula sa rekomendasyon ng POC noong Hunyo ng 2005, kasama sina chairman Michelle Lhuillier, vice-president (Manila) Lito Alvarez, vice-president (Visayas) Raul Alcoseba at vice-president (Mindanao) Wilson Yong.
Ayon kay Lina, mababalewala ang pag-aalis ng FIBA ng suspensyon sa BAP kung hindi ito muling kikilalanin ng POC bilang miyembro.
Hindi rin mangangahulugang makakalaro ang RP Team sa 15th Asian Games sa Doha, Qatar sa Disyembre sakaling alisin ng FIBA ang suspensyon dahilan sa ang POC ang siyang nag-aapruba ng delegasyon sa Asian Games, isa sa mga sports event na nasa ilalim ng International Olympic Committee (IOC). (RCadayona)