Hinainan si Isip, ang No. 6 pick ng Sta. Lucia, ng P5.5 milyong kontrata na inaasahang pipirma han ngayong araw. Mas mauuna pang pumirma ng kontrata si Isip kaysa sa top rookie pick na si Fil-Am Kelly Williams na hinainan na rin ng offer ng Realtors.
Nakipagkasundo na rin si Jay-Ar Reyes sa Welcoat Paints ng tatlong taong kontrata na nakatakda niyang lagdaan sa Sabado.
Si Reyes, isa sa tatlong players na inangat ng Welcoat mula sa kanilang amateur team kasama sina Jun Cabatu at Jay Sagad, ay hinainan ng P8.5 milyong kontrata.
Inaasahang sabay-sabay na papipirmahin ng Welcoat ang kanilang mga players sa Sabado. Naka-schedule na ring pumirma sina Sagad, Joey Mente, Jojo Tangkay at Denver Lopez sa Sabado ngunit pinag-iisipan pa ng Welcoat kung ilang taon ang kanilang ibibigay na kontrata.
Kaugnay nito, determinado naman ang Welcoat na makuha ang serbisyo ng dati nilang player na si Romel Adducul mula sa Barangay Ginebra. Handa silang magpakawala ng tatlong players para makuha ang serbisyo ni Adducul.
Kabilang sa inalok na player ng Dragons ay sina Cabatu, ang kanilang first round pick na si Abby Santos at posibleng madagdagan ito ng future round pick.
Gayunpaman ay wala pang seryosong negosasyong nagaganap dahil kasalukuyan pang kumakampanya ang Barangay Ginebra sa Brunei Cup at hinihintay pa ng Welcoat ang kanilang pagbabalik.
Sa kasalukuyan, kabilang sa roster ng Welcoat sina Rob Wainwright, Lopez, Gilbert Lao, Adonis Sta. Maria, Mente, Tangkay, Froilan Baguion, Cabatu, Reyes at Sagad.
Pinag-iisipan pa nila ang status nina Santos at Jireh Ibañez. (M Balbuena)