Kahapon ay inihayag ni PBA Commissioner Noli Eala na simula sa 32nd season ng unang play-for-pay basketball league sa Asya ay sa Araneta Coliseum na sa Quezon City gaganapin ang mga laro nito tuwing Miyerkules, Biyernes at Linggo.
Gayunman, ang inobasyong ito ng PBA ay eepekto lang ng tuluyan sa 2007 dahil ang Big Dome ay may nauna nang naka-iskedyul na pagtatanghal para sa kabuuan ng 2006, tulad ng musical concerts.
Subalit ang pagbalik ng PBA sa orihinal na venue nito, kung saan ginanap ang inaugural games noong April 9, 1975, ay hindi nangangahulugan na tatalikdan na ng liga ang pagsasagawa ng mga laro sa ibang venues tulad ng Olivares College gym sa Parañaque, Ninoy Aquino Stadium at San Juan Arena.
Ayon kay Eala, kung may mga laro ng Sabado ay itatakda nila ito sa mga nabanggit na "non-traditional venues."
"Weve decided to have the games played in a regular playing venue in order for the fans not to get confused on where and when the games will be played on a particular day," ani Eala. "Afterall, the fans are the lifeblood of the PBA," dagdag niya.
Bukod dito, binawasan pa ng PBA ng 30 porsyento ang halaga ng tiket sa Upper Box A tuwing weekdays, habang mananatili namang P5 lang ang tiket para sa general admission sa qualifying stage ng Philippine Cup.
Magsasagawa rin ang PBA ng mga laro sa labas ng bansa sa 2006-2007 season. Katunayan ay pasisimulan ng Red Bull at Alaska ang naturang season sa Sept. 22 sa kanilang paghaharap sa Guam. Nakalinya rin ang posibleng mga laro ng PBA sa Singapore, Dubai at Australia. (MBalbuena)