"Iniisip ko lang baka kasi hindi ako makatulong or hindi ako magamit nang husto," sabi kahapon ni Santos sa kanyang pagdadalawang isip sakaling siya ang kunin ng Sta. Lucia Realty bilang top overall pick ng 2006 PBA Annual Draft bukas sa Market Market sa The Fort, Taguig.
Nauna nang inihayag ni coach Alfrancis Chua na tiyak nang kukunin ng Realtors ang 6-foot-4 na si Santos.
Ngunit biglang nagbago ang isip ni Chua.
Ayon kay Chua, tinitingnan niya si 66 Fil-Am Kelly Williams na posibleng bumasag sa tradisyon ng Sta. Lucia sa pagkuha lamang ng mga Filipino players.
"Basta kahit ano sa apat na teams ng San Miguel Corporation," ani Santos ukol sa San Miguel Beermen, Ginebra Gin Kings, Purefoods Chunkee Giants at Coca-Cola Tigers.
Ang pagpili niya sa anumang koponan ng SMC ay bilang pagtanaw na rin ng utang na loob sa pagtatayo ng korporasyon ng tropa sa Philippine Basketball League (PBL) na kinatawan ng Viva Mineral Water at Magnolia Dairy Ice Cream.
Dalawang korona ang hinablot ng dalawang koponan na minandohan ni coach Koy Banal sa PBL, ang huli ay nang bumangon ang Wizards sa isang 0-2 deficit sa championship series ng 2006 PBL Heroes Cup para igupo ang Welcoat Paint Masters ni mentor Caloy Garcia, 3-2, para sa titulo.
"I think yung determination niya at yung desire niya," wika ni Banal sa tataglaying katangian ng 23-anyos na si Santos sa PBA. "Iyang batang yan self-motivated yan. Alam naman nating ang isang taong self-motivated na, hindi na niya kailangan na marinig ang anumang motivation from other people."
Dalawang kampeonato ang ibinigay ng tubong Pampanga sa FEU Tamaraws, ang huli ay noong nakaraang taon laban sa La Salle Green Archers. (RCadayona)