Patuloy naman ang pagkapit ni top seed at dating World Pool champion Alex Pagulayan nang magrally ito mula sa 4-6 na pagkakalugmok tungo sa 9-6 panalo kay Leonardo Didal.
"Hirap na hirap manalo," ani Pagulayan, na makakaharap si Antonio "Gaga" Gabica, na nanaig naman kay Rolando Garcia, 9-3.
Ang 29 anyos na si Valle, na tinalo ang 60 anyos na si Parica sa Reno Open may dalawang buwan na ang nakakaraan, ay nakatakdang makipagharap kay Rodolfo Luat.
Si Luat na kamakailan lamang ay nagwagi sa ikatlong yugto ng San Miguel Asian 9-ball event sa Kiaoshung, Chinese Taipei, ay magaan na pinayuko si Napoleon Labrador, 9-0.
Nagpamalas din impresibong panalo si second seed Dennis Orcollo na ginapi si Jharome Peña, 9-2, at isaayos ang pakikipaglaban kay Mario Tolentino, na nanaig naman kay Jundel Mendoza 9-7.
"I just got lucky in this game," wika ng 27-year-old na si Orcollo, na kamakailan lamang ay nagbulsa ng tumataginting na $80,000 (P4 million) sa IPT World 8-Ball Championship in Las Vegas, Nevada noong nakaraang buwan.
Umusad din si Ramil "Bebeng" Gallego nang magwagi ito kay Jimmy Ching, 9-2 sa event na ito na may nakatayang P1 million para sa champion.