Lumabas ang kinatatakutang break ng tinaguriang "The Lion" na si Pagulayan upang madaling matalo ang kalaban at umusad sa second round ng kompetisyon na idinaos din kagabi.
Ang iba pang seeded players na sina Rodolfo "Boy Samson" Luat at Antonio "Gaga" Gabica ay umusad din sa winners bracket pero nabagsakan naman ng upset ang beteranong si Leonardo "Dodong" Andam nang matalo sa di pa gaanong kilalang katunggali.
Umani ng 9-3 tagumpay si Luat, sixth seed sa kompetisyon, laban kay Edgie Geronimo habang si Gabica, na ninth seed, ay nangibabaw sa 18-anyos na si Raymond Faraon sa 9-2 iskor.
Ang unang upset naman ay kinuha ni Napoleon Labrador nang maiuwi nito ang 9-6 tagumpay laban kay Andam na seeded 11th sa kompetisyon.
Hindi napangalagaan ni Andam ang naunang naipundar na 2-0 kalamangan sa race to nine, winners break format ng kompetisyon, matapos sumablay ang mga libreng tira sa mahalagang punto ng labanan.
Huling nagtabla ang dalawa sa 5-5 iskor at sa 11th at 12th rack ay nakita ang pagmintis ni Andam na agad na sinamantala ni Labrador para kunin ang tatlong sunod na set.
Ang iba pang umani ng unang panalo sa ligang itinataguyod ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP) ay sina Elvis Calasang, Elmer Haya, Jimmy Cheng, Benjamin Guevarra, Panfilo Damuag Jr., Victor Arpilleda at Mario Tolentino.
Tumataginting na P1 milyon ang premyong maiuuwi ng tatanghaling kampeon habang ang apat na mangungunang manlalaro ay magkakaroon ng puwesto sa main draw sa World Pool Championship na gagawin sa bansa sa Nobyembre.