Nag-apply si Espinas sa Annual Rookie Draft ng Philippine Basketball Association (PBA) na gaganapin sa August 20 sa Market Market sa Taguig City at siguradong kokonsiderahin ang kanyang impresibong achievement.
Ngunit sa likod ng kanyang makasaysayang tagumpay sa NCAA, kailangan pa ring patunayan ng 6-foot-3 na Philippine Christian University star player na karapat-dapat siyang maglaro sa professional league.
Nitong nakaraang linggo, mahalagang papel ang ginampanan ni Espinas upang ihatid ang PCU Dolphins sa Final Four ng 69th season ng NCAA mens basketball tournament na siyang dahilan para piliin itong Player of the Week ng NCAA Press Corps sa ikalawang pagkakataon.
Nagtala ang PCU Dolphins ng dalawang panalo na sumiguro ng kanilang slot sa semifinals at nasa kontensiyon sila ngayon para sa twice-to-beat advantage, ang incentive na ibibigay sa top two teams pagkatapos ng elimination round.
Nanalo ang Philippine Christian kontra sa host College of St. Benilde, 79-70 noong August 7 ngunit hindi maganda ang ipinakita ni Espinas sa larong ito dahil kinailangan niyang makibahagi sa PBA Rookie Camp sa PhilSports bago ang kanilang laban. Tumapos lamang ito ng isang puntos sa 15-minutong paglalaro.
Ngunit bumawi ito sa 81-71 panalo ng Philippine Christian kontra sa San Sebastian College noong August 9 nang umiskor ito ng 23-points, two-rebounds, two-assists at two shot blocks sa 28 minutong aksiyon.