Ang laban ay maaaring maganap matapos ihayag ni Marquez na bukas siya sa idea na ito na isang rematch matapos mauwi sa tabla ang nauna nilang sagupaan ni Pacquiao noong Mayo 8, 2004.
Sa lumabas na panayam kay Marquez sa isang kilalang boxing website, sinabi nito na matagal na niyang gustong makalaban uli ang itinuturing ngayong pinakamahusay na super featherweight na si Pacquiao pero hindi naisasakatuparan dala na rin ng mababang offer na ibinibigay sa kanya.
Mayroon na sanang rematch matapos ang unang laban pero hindi niya ito kinagat dahil maliit lamang ang nakatakda niyang tanggapin bilang premyo.
"I turned down the rematch because I was only offered $100,000 more than the first fight. Not I thought that economically neither of us was getting the deal we deserved," wika ni Marquez.
Ngayong lumipas na ang mahabang panahon ay naniniwala siyang nais na rin ng boxing aficionados na malaman kung sino sa kanilang dalawa ang tunay na mahusay sa ibabaw ng ring.
Si Marquez ay naalisan ng korona sa WBA nitong Marso pero lalaban siya sa isang interim WBO title laban kay Terdsak Jandaeng ng Thailand.
Si Pacquiao na kagagaling lamang sa matagumpay na laban kay Oscar Larios ay sasagupa kay Erik Morales sa Nobyembre 18. Matapos ito ay isusunod niya ang pagbangga kay WBC champion Marco Antonio Barrera sa susunod na taon.
Sakaling malampasan niya ito ay hindi malayong magkita uli sila ni Marquez sa kalagitnaan ng 2007.