SA MATA NG BATA

CEBU City - Sa huling pagkakataon, idinaos dito kahapon ang adidas Streetball Challenge. Ang magwawagi sa ika-labing-isa’t huling edisyon ng taunang larong tatluhan ay ihahatid sa Metro Manila sa loob ng dalawang linggo para lumaban sa national finals.

Naging panauhing pandangal si Ryan Gregorio, head coach ng Philippine Cup champion Purefoods Chunkee Giants. Inamin ni Gregorio na paakyat ang kanilang laban sa huling conference.

"We were seeded seventh, ang liliit pa namin," paggunita ni Gregorio. "Walang nagbigay sa amin ng pag-asang manalo. Pero naniwala kami na kaya namin. We believed in ourselves."

Dinala ni Gregorio ang mensaheng ito sa mga lumahok sa torneo. At sinabi niya na mamanmanan niya ang mga manlalaro, at ang mga marunong magbigay at magsakripisyo para sa kapakanan ng koponan ay malayo ang mararating.

"Huwag ninyong pakinggan ang sinasabi ng iba," dagdag niya. "If they say you’re small, say to yourself that you’re quick. If they say you can’t bet this player or this team, tell yourself you can."

Naisip ko tuloy ang mga pinahihiwatig natin sa mga kabataan, na masusing nagbabantay sa mga halimbawang itinatatag ng mga nakatatanda para sa kanila. Ano ba ang ehemplong binibigay din natin, di lamang sa sports kundi pati na rin sa tutoong buhay. Paano ba tayo makitungo sa ating kapwa. Paano natin tanganan ang init ng ulo, sama ng loob, pagka-inip, at iba pang emosyong nakakadiskaril?

Kung tutuusin, tutoong nararamdaman natin lahat iyan, subalit iba pa rin pag may mga bata nang nasasangkot. Para silang blangkong papel, na sinu-sulatan natin sa tintang hindi na mabubura.

Kaya hinahangaan ko ang mga atleta, coach at iba pang taong hindi mapagkunwari, umaamin sa pagkakamali, at namamahagi ng puri tuwing nagta-tagumpay. Sana’y dumami ang kanilang lahi.
* * *
Abangan mamayang alas dos ng hapon sa RPN- 9 ang programang The Basketball Show.

Show comments