Red Lions umubra kaya sa Knights?

Hindi magiging balakid ang pagkakakansela ng kanilang laro noong Miyerkules bunga ng bagyong "Glenda" para maging ‘malamig’ ang laro ng nagdedepensang Letran College at San Beda College. 

"Wala namang epekto ‘yon eh. Parang namove lang ‘yung araw ng laro but just the same, I expect the game to be tough and physical," wika ni coach Louie Alas sa upakan ng kanyang Knights at Red Lions ni mentor Koy Banal ngayong alas-4 ng hapon sa pagtiklop ng first round ng 82nd NCAA men’s basketball tournament sa Ninoy Aquino Stadium. 

Magtatagpo naman ang Mapua Cardinals ni Horacio Lim at Jose Rizal U Heavy Bombers ni Ariel Vanguardia sa ganap na alas-2 ng hapon.   

Tangan ng Knights ang 6-0 rekord kasunod ang Red Lions (5-1), PCU Dolphins (5-2), Cardinals (3-3), five-time champions San Sebastian Stags (3-4), Perpetual Altas (2-5), Heavy Bombers (1-5) at College of St. Benilde Blazers (1-6). 

"Technically, maganda ang inilalaro ngayon ng San Beda," wika ni Alas sa koponan ni Banal. "They are the best defensive team right now in the league, kaya pipilitin namin talagang manalo." 

Nanggaling ang Knights sa 74-71 panalo sa Cardinals noong Biyernes upang mapanatiling malinis ang kanilang kartada, habang nagmula naman ang Red Lions sa 61-45 paggupo sa Altas noong nakaraang Miyerkules para sa kanilang four-game winning streak. 

Noong nakaraang taon, isinara ng Letran ang first round buhat sa malinis nilang 7-0 baraha patungo sa pagpoposte ng 11-0 grado. (Russell Cadayona)

Show comments