Kasi ngay namamayagpag pa rin ang Knights at hindi pa nakakalasap ng pagkatalo sa anim na laro sa 82nd season ng NCAA.
Sinimulan ng Knights ang kanilag kampanya sa pamamagitan ng 65-44 panalo kontra sa host College of St. Benilde Blazers noong opening day. Pagkatapos ay pinatumba nila ang San Sebastian Stags (81-73), Jose Rizal U Heavy Bombers (74-70), Philippine Christian University Dolphins (62-54), Perpetual Help Altas (60-48) at Mapua Cardinals (74-71).
Ang Knights ay binibitbit ng dalawang natitirang beterano na sina Boyet Bautista at Aaron Aban na kapwa nagsumite na ng kanilang application sa 2006 Draft ng Philippine Basketbal Association na gaganapin sa Market Market sa Agosto 20. Kasama din sa nag-apply sina Rodriguez, Andaya, Alcaraz at Aldave.
Si Bautista ang siyang talagang sumisingasing nang husto at siyang nagpapahirap sa kanilang mga nakaharap na. Katunayan, siya ang second leading scorer ng season sa likod ng isa pang point guard na si Khiel Misa ng Perpetual Help.
Si Aban ay na-miss ng Knights sa kanilang unang game kontra sa Blazers dahil sa may injury pa ang kamay nito. Natamo niya ang injury habang naglalaro sa Toyota Otis sa nagdaang Finals ng Philippine Basketball League (PBL) Unity Cup. Pero nakabalik naman siya kaagad matapos iyon.
Noong Biyernes ay muntik nang mapatid ang winning streak ng Letran dahil sa maganda ang naging challenge na naibigay sa kanila ng Cardinals. Katunayan, tungo sa huling dalawang minuto ng laro ay abante pa ng tatlo ang tropa ni MIT coach Horacio Lim, 71-68. Pero hindi na sila nakaiskor pagkatapos niyon at nagpamalas ng katatagan sa endgame ang Knights.
Iba talaga ang pustura ng isang nagtatanggol na kampeon, e.
Pero sa Miyerkules ay makakatapat ng Knights ang kanilang pinakamabigat na hamon sa pagtutunggali nila ng San Beda Red Lions na may 5-1 record. Sinasabi ng karamihan na kung may team na tatalo sa Knights, itoy ang San Beda.
Ang tanging pagkatalong sinapit ng Red Lions ay sa kamay ng Philippine Christian University, 70-66 noong Hunyo 28. Sa larong iyon ay hindi nila nakasama ang head coach na si Koy Banal dahil sa commitment nito sa Purefoods Chunkee Corned Beef sa PBA kung saan ay assistant coach siya ni Paul Ryan Gregorio.
Pero ngayong tapos na ang PBA season at nagkampeon na ang Purefoods, wala nang games na mami-miss pa si Banal at tiyak na buong-buo na ang concentration niya sa kampanya ng Red Lions.
Magandang test of character ito para sa Letran Knights. Kung mapapanatili nilang malinis ang kanilang karta sa pagtatapos ng first round, marami ulit ang maniniwalang kaya nilang maidepensa ang korona.